WINAKASAN ng isang 24-anyos na binata ang kanyang sariling buhay matapos na ayaw na umanong mag-textback sa kanya ang isang
dalaga na naging girlfriend niya sa text buhat nang magkita sila ng personal, ayon sa report kamakalawa ng umaga sa Brgy.
Acacia, Malabon, Metro Manila.
Lawit ang dila, nakadilat ang mga mata at malamig na bangkay na nang matagpuan ang bangkay ni Lemuel Marco,
24-anyos, walang trabaho, at residente ng nasabing lugar.
Napag-alaman na dakong alas 5:00 ng madaling umaga nang matagpuan ng kanyang ama na si Satur ang patay na
katawan ng biktima na nakasabit sa kisame. Kumot ang ginamit ni Lemuel sa pagkitil ng kanyang sariling buhay.
Ayon sa pulisya na rumesponde sa pinangyarihan ng insidente, tinatayang isang oras pa lamang ang lumipas
nang magbigti ang biktima dahil mainit pa ang patay na katawan nito.
Nakita rin sa pinangyarihan ng insidente ang isang maliit na upuan na posibleng ginamit ng binata bago ito
nagpakamatay.
"Tinalian muna siguro niya (Lemuel) ang kanyang leeg bago siya tumuntong doon sa maliit na upuan saka siya
tumalon para magpakamatay. Talagang gusto niyang magpakamatay, kasi hindi naman masyadong mataas ‘yung sahig sa pagkakasabit
niya, dahil dalawang pulgada lang naman ang sukat mula sa sahig hanggang sa mga paa niya. Talagang nag-suicide siya," ayon
sa isang pulis na may hawak ng kaso.
Bukod sa bangkay ng binata, nakita rin sa kuwarto ng biktima ang isang suicide note.
Ayon kay Satur, ama ng biktima, bago naganap ang insidente, nang gabing iyon ay nakita umano niya ang kanyang
anak na tila may malalim na iniisip. Hindi na lang niya tinanong kung ano ang problema ng binata sa pag-akalang okey pa rin
ito kahit nasa ganung kalagayan.
Samantala, ayon naman sa pahayag ng pinakamalapit na kaibigan ni Lemuel na si Jhun, 21-anyos, malaki aniya
ang posibilidad na nagbigti ang kanyang kaibigan matapos na hindi na nagte-textback ang textmate nito na dalaga nakilala lamang
sa pangalang Mary Grace, na umano’y titser ng isang pampublikong paaralan sa nasabing bayan.
"Inlove kasi siya (Lemuel) doon sa babae (Mary Grace) na naging girlfriend niya sa text. Sabi ni Lemuel,
nagkita raw sila nung isang araw ni Mary Grace at simula noon, hindi na nagte-text sa kanya ‘yung babae tuwing tini-text
niya. Nagte-text kasi si Lemuel sa akin tungkol kay Mary Grace," ayon pa kay Jhun nang interbyuhin siya ng
SAGAD.
Sinabi pa ni Jhun na marami nang naging ka-textmate ang kanyang kaibigang si Lemuel pero si Mary Grace lamang
aniya ang sineryoso nito dahil may magandang trabaho at dalaga pa ang babae.
"Sabi ni Jhun sa akin, mahigit apat na buwan na raw sila mula nang magkakilala sila sa text, pero nitong
nakalipas na buwan lang daw siya sinagot ni Mary Grace," dagdag pa ng kaibigan ni Lemuel.
Nang tanungin ng SAGAD si Jhun kung paano nakilala ng kanyang kaibigan ang dalaga, sinabi niyang may
nagbigay lang umano kay Lemuel ng cellphone number ni Mary Grace.
Hindi naman alam ni Jhun kung kaanu-ano ni Lemuel ang nagbigay sa kanya ng contact number ng titser.
"Noong bago pa lang silang nagkakilala, laging ipinagmamayabang sa akin ni Lemuel si Mary Grace. Natatandaan
ko pa nga ‘yung sinabi niya sa akin na suwerte raw siya dahil nagkaroon siya ng textmate na titser. Sinagot ko naman
siya ng, ‘ang suwerte mo, ‘tol, at saka ‘wag mo nang pakawalan ‘yan’. ‘Yun nga, hindi
ko akalain na humantong ito sa ganitong sitwasyon," malungkot na pahayag ni Jhun habang kinukuwento niya sa
SAGAD ang kasaysayan ng kaibigan nung buhay pa ito.
Gayunman, kinumpirma naman ng mga awtoridad na maaari ngang nagpakamatay si Lemuel dahil sa textmate nito
base na rin sa mga text na sinend ng binata, na nakita sa Sent Items ng cellphone nito na Nokia 1100.
Nakasaad umano sa text ni Lemuel ang labis na pagkalungkot niya nang hindi na pinansin ni Mary Grace ang
kanyang mga text.
"May nabasa rin kaming message doon sa cellphone niya (Lemuel) na wala na raw saysay ang buhay niya kung
hindi na niya makikita pa si Mary Grace," ayon pa sa isang police official.
Bukod sa text, nakasaad din sa suicide note ng biktima na: "Mahal na mahal kita, Honey Pie (Mary Grace).
Wala nang silbi ang buhay ko ngayong nawala ka na sa buhay ko. Sana, lagi mong pakatandaan na si
mula nang makilala kita ay naging masaya na ang buhay ko, pero nang bigla ka namang nawala ay tila nawala na rin ng
saysay ang buhay ko. Alam kong masama itong ginawa ko, pero dahil sa pagmamahal ko sa iyo, iaalay ko ang buhay ko. Aanhin
pang mabuhay sa mundong ito kung hindi naman kita kapiling. Sa lahat ng naging ka-textmate ko ay sa
iyo lang nahuhulog ang loob ko. Mahal kita hanggang sa huling sandali ng aking buhay. Para naman sa aking mga magulang at
mga kapatid, alam kong malulungkot kayo dahil sa ginawa ko. Patawarin n’yo po ako sa aking nagawa. Maraming salamat,
Nay... Tay, dahil kahit papaano ay binigyan ninyo ako ng pagkakataon na masilip ang kagandahan ng mundo. Pero hindi ako naging
masaya habang nakikipagsapalaran ng aking pag-ibig, kaya nagpasya akong magpakamatay na lang kaysa sa mabuhay na hindi ko
na makasama ang babaeng pinakamamahal ko. Muli po, patawarin n’yo ako. At para sa iyo, Honey Pie, mahal na mahal kita.
Sana maging masaya ka kapiling ng iyong bagong mahal kung mayroon man. Hanggang dito na lang. Sa inyo’y nagmamahal,
Lemuel."
Hindi naman mapigilan ni Satur ang pagbuhos ng kanyang luha habang binabasa ang suicide note ng anak.
Sinabi ni Satur na itinuring niyang dakila ang kanyang anak dahil sa iginawad umano ang buhay ng binata alang-alang
sa labis na pagmamahal sa isang babae.
Kasabay nang araw na iyon, nabulabog ang pamilya ni Lemuel nang biglang lumutang sa unang gabi ng lamay ng
binata si Mary Grace Dela Cruz, 22-anyos, dalaga, at residente ng Brgy. Niugan, Malabon.
Humagulhol ito sa pag-iyak habang pinagmamasdan ang bangkay ni Lemuel na nasa loob ng kabaong.
Inamin ni Mary Grace na hindi na nga siya nakapag-textback pa kay Lemuel dahil naholdap siya at natangay
ang kanyang cellphone.
Kinumpirma naman ng titser na dalaga na nagkita na sila ni Lemuel kasabay ang pag-amin na nobyo na niya ang
binata.
"Siguro, sasabihin ko sa kanya na mahal na mahal ko siya kung buhay pa siya. Ipapadama ko sana sa kanya kung
gaano ko siya kamahal. Hindi ko naman kasi akalain na gawin niya ito (pagpapakamatay) dahil lang sa hindi ko pagte-text sa
kanya ng ilang araw lang. Noong una, kahit hindi ako maka-text sa kanya ng dalawang araw, okey lang naman sa kanya," lumuluhang
pahayag ni Mary Grace nang kapanayamin ng reporter ng balitang ito.
Gayunman, ipinangako naman ni Mary Grace sa mga magulang at mga kapatid ni Lemuel na hindi na siya mag-aasawa
alang-alang sa binata.
Nang tanungin ng SAGAD kung paano niya nalaman ang insidente, sinabi ni Mary Grace na pinuntahan siya
ng pinsan ni Lemuel na si Christoper at ibinalita sa kanya ang nangyari sa kanyang nobyo.
Si Christopher ang nagbigay ng cellphone number ni Mary Gracey kay Lemuel.
ULAT NI JUN PALUPOL